Apr 30, 2009

Nang Dahil sa Isang Request

(Ito ay dahil sa isang request ng isang malapit na tao sa akin na hindi nahihilig sa pagbabasa ng mga sulating naka-ingles. )

Ilang ulit ko na din siya kinulit na magbasa ng mga artikulo na nailathala ko sa blog na ito para siyasatin niya ang istilo ng aking pagsusulat. Pero talaga naman na kahit iniiwan ko na nakabukas ang blog site ko sa laptop ay agad-agaran niyang sinasara. Mistulang may allergy ata siya sa mga salita,pangungusap at talata na Ingles. Hindi rin naman siya nakakatapos ng isang babasahin maliban nga sa interes niya. Sa katunayan nga ay naipon na ang mga libro na hanggang gitna lang niya natatapos. Sa madaling salita ay kahit Pilipino ang isang lathala ay hindi niya talaga nahiligan ang pagbabasa.Wala naman akong naiisip na nakakainteres maliban na lamang sa isang bagay na kapag nabasa ng tao na iyon ay talaga naman kanyang ikakatuwa. At iyon ay tungkol sa aming adiksyon sa My Brute (http://mybrute.com/). Isang online na laro na kung saan ay gagawa ka ng mga karakter at mapapa-level up mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa ibang mga karakter na gawa din ng mga tulad namin na mahilig sa kumpetisyon at dahas.

Hindi siya tulad ng ibang laro na kung saan ay ikaw ang magdidikta sa iyong karakter ng kanyang galaw sa isang labanan, o kung anong mga sandata ang kanyang gagamitin at kung anong klaseng kasanayan ang kanyang gagawin. Ang laro ay automatic at wala kang gagawin kundi ang manood na lamang sa pagpapasikat o kaya katangahan ng iyong karakter. Sa pag-lelevel up mo lamang makukuha ang samut-saring mga sandata at kasanayan. Kung mahina ang karakter mo at laging natatalo sa labanan ay matagal ka makakakuha ng mga kasangkapan sa labanan. Pero ang pagtalaga o paglapat ng mga kasangkapan ay random, ibig sabihin hindi mo puwede piliin ang mga kasangkapan at techniques na inaasam asam mo. Naiinggit ako sa mga sandata ng karakter niya dahil talaga naman kakaiba at malaki ang bawas sa buhay ng kalaban. Pero ayos lang, hindi ko naman kinakarir ang mga karakter ko. Madalas nga ay mistulang kulang sa pagsasanay ang mga alipores ko dahil madalas ay hindi nila ginagamit ang mga sandata nila. Sugod lang ng sugod kaya naman ay laging natatalo.

Tatlong laban lamang araw-araw ang pinahihintulutan ng administrator para maka-level up ang karakter mo. Sa bawat panalo ay may dalawang puntos ka at isa naman sa mga talo. Kabisado na rin naman ang website na iyon. Tuwing alas diyes y medya ng umaga hanggang alas dose y medya ng tangahali ay nagkakaroon ng "Technical Maintenance". Kaya may oras talaga ng aming pagle-level up. Sa kasalukuyan ay Level Four na ang aming mga karakter. Hindi ako magugulat kung ipasok niya sa Clan ang mga iyon dahil sobrang sineseryoso niya ang paglelevel up.

Kaya kung hindi niyo man ako ma-contact ngayon at lagi akong nasa bahay. Isang dahilan diyan ay ang paglelevel up ko ng aking mga Brute.

Oo, Jerom itong post na ito ay para sa iyo.

Napakahirap ang magsulat sa Pilipino dahil hindi lahat ng termino sa Ingles ay may patas na salita sa Tagalog.

 Nagbukas pa ako ng online English Filipino Dictionary. Kaya pakiusap basahin mo naman ito.
-Utos ng iyong ate

Share This!