Pagkatapos ng apat na sunod sunod na pangangarag sa ward, dumating na rin sa wakas ang kaisa-isang araw na gumigitna sa pitong araw ng pagduduty.Sa apat na araw na lumipas, apat na pasyente din ang hindi nakayanan pang madugtungan ang buhay: isa bawat araw. Iba-iba nga ang pagkawala ng mga pasyente namin sa apat na pm duties ko: may biglaang hindi man lang intubated pero biglang bagsak ang sensorium kaya biglang bumigay, may hindi na kailangang magpaalam dahil matagal nang nakapagpaalam ( DNR patients) at may akala mo ok na pero hindi na pala ok. Pero sa bawat mortality sa ward namin, iisa lang ang common denominator: "loss".
Maraming doktor, nurses, n.a, "manong", pasyente at bantay ng pasyente ang madalas ito ang kataga kapag may namamatay: "Ganun talaga eh, ok na din iyon, kesa naman maghirap pa sila di ba?" o kaya " Ganun talaga ang buhay, may nauuna lang talaga." Minsan naiinis ako sa sarili ko kasi hinahayaan kong magpaka-insensitibo sa bawat pasyenteng namatay. Tanong nga ni ate tess (ang nanay ni ronald allan-bed 18): "Ma'am, sanay na siguro kayo kapag may namamatay no?" Hindi ako nakasagot dahil masakit sagutin ang isang tanong na obvious na brutal ang sagot. Sa isang taon at limang buwan ko sa ward at sa sampung pasyente na nabigyan ko ng "post-mortem care"- maaring "oo" sanay na nga ako at "oo" namamanhid na ako sa bawat "CODE- MORTALITY" ko.
Hindi ko alam bakit ako namamanhid na ngayon, pero sa mga unang "code" ko wala akong ibang sinisi kundi ang sarili ko at ang mga pagkukulang ko bilang nurse.Naalala ko pa na si rowell iyon, "found-coded" na ilang linggo kong iniyakan. May mga pagkakataong nasisi ko ang mga magulang sa kapapabayaan nila, nasisi ang doktor sa walang kapakialamanan sa kundisyon ng pasyente, nasisi ang mga ka-staff sa kamanhidan nila( na pinagdadaanan ko ngayon).
Si Khenrick ang pinaka-recent mortality ko at sana siya na ang huli. Dahil habang nadadagdagan ang mga pagkakataong ganito, nadadagdagan ang kamanhidan ko. Nadadagdagan ang mentalidad na "ganun talaga eh". Hindi madaling tanggapin kapag mawalan ng mahal sa buhay, pero aaminin ko sa klase ng buhay ko bilang isang "bedside nurse", masasabi kong madali lang tanggapin kapag nawalan ka ng pasyente. Nakakahiya pero totoo.